TAMA NA ANG PAGTATAKSIL SA BAYAN
Araw ng Kagitingan. Day of Valor.
#NasaanAngPangulo ?
May video ang Malacanang kung saan kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte and mga magigiting na health workers na humaharap sa panganib habang palala ang pagkalat ng COVID19.
Lip service. Chorva lang.
Hindi hinarap ang delay sa hazard pay – halos isang taon na sa ilang mga ospital.
Hindi hinarap ang kalusugan ng sambayanan, ang pagdurusa ng mga pamilyang namamatayan ng kaanak habang paikot-ikot silang humanap ng lunas sa pagsakal ng hininga.
Hindi hinarap ang hirap na dulot ng polisiya ng gobyerno na ipagkait ang benepisyo ng state health insurance para sa mga hindi ma-admit sa ospital.
Mga kababayan, ilan sa inyo ang may kapamilya o kaibigan na namatay na lang dahil di mabigyan ng critical care? O di kaya namatay sa emergency room at nalaman na lang na hindi sila sagot ng Philhealth?
Ilang milyon ng mahihirap o middle class ang di makapag testing kasi hindi ito sagot ng gobyerno?
May pagbabago na daw sa sistema – dahil sa pagingay na din ng taumbayan – pero madaming pa ring dahilan sa pagkait ng testing sa mga nangangailangan.
Pasaway daw ang Pilipino.
Pero hindi pasaway and IATF at ang DILG na huminto sa maraming COVID contact-tracing networks. Hindi rin daw pasaway ang Cabinet na sumangayon dito sa panahong may babalang papasok na ang mga bago at mas mapanganib na COVID variants.
Hindi rin daw pasaway ang mga opisyal na winaldas ang national budget sa bopol na pagkalat ng kasinungalingan.
Hindi pasaway ang gobyernong rumaket sa limpak limpak na “intelligence” funds habang binawasan ang kritikal na mga sistemang kontra COVID.
Siempre, hindi din daw pasaway ang mga opisyal na nagka-COVID.
Kagitingan daw ang makipagsabwatan sa mga smuggler para sa wala pang clearance na bakuna.
Malamang kagitingan din ang tawag sa pag-smuggle ng bakuna para sa mga empleyado ng mga korporasyong Intsik na POGO – habang nag-dribble si Duterte, Duque, IATF, at iba pang mga kampon para mauna ang bakuna mula Tsina at maharang ang galing sa ibang bansa.
Milyong mga dose din sana na pumasok na sana noong Enero. Kagitingan ba ang nasa isip ni Duterte nang inayawan nya and western vaccines para sa galing Tsina at Russia – o kaprisyo at wala sa lugar na kayabangan?
Pumasok na ang mga negosyante (dahil kailangan ng bakuna ang work force nila). Pumasok ang mga malalaking LGUs. Dribble ng dribble si Duterte at mga alipores. Walang katapusang dribble. Tawag sa basketball nyan, buwaya.
Magiting at matapang daw si Duterte. See that fist. Hear those threats.
Pero sa Araw ng Kagitingan, kung saan pinagdidiwang natin ang mga bayaning lumaban sa pananakop at nag-alay ng buhay para sa kalayaan at soberanya, tameme si Duterte sa lantarang pananakop ng Tsina sa ating karagatan.
Parang bulag, pipi, at bingi si Duterte sa nagdadamihang war vessels ng Tsina at sa mga instant islands na halos kasinglawak na ng ibang probinsya.
Hindi ito video game. May epekto ito sa araw-araw na buhay ng libu-libong mangingisdang tinatakwil at hinahabol ng Chinese Coast Guard and navy crew sakay sa small craft w missiles. Sa huling balita ni Chiara Zambrano, 19 na kilometro lamang mula sa lupain ng Palawan, mapangahas pang maghabol ang mga tropa ng Tsina.
Naku, sabi ng Armed Forces, maging maingat. Ito din ang naririnig ng mangingisda.
In short, atras lang, atras lang. Hayaan ang pananakop
May narinig kayo sa Malacanang? Nga-nga. Araw-araw tulo laway doon sa mga walang kwentang usapan, pero nakabusal ang bibig dahil baka magalit ang among banyaga.
Sabi nga sa report ni Chiara sa ABS-CBN, kung noon ay dalawang linggo mapuno ang mga barko sa pangingisda, ngayon ay halos di pa mapuno sa tatlong buwan.
Ganyan ang dagok sa Pilipino ng kapabayaan ni Duterte. Sa diksonaryo ni Duterte, malamang kagitingan ang gawing tribute sa Tsina ang ating karagatan at mga yaman nito.
Pati nga kalupaan, kabundukan, mga ilog, dahan dahan nang inaangkin ng Tsina at mga korporasyon ng estado nila.
May narinig din naman tayo kay Duterte.
Mahinahon na paabot na ang maliit na gusot ay di makakagambala sa pagpasok ng kanilang mga bakuna.
Parang kamatayan sa pandemic lang yan. Maliit na bagay, sabi ng chuchuwariwariwop boys nya.
Ginamit pa ang krisis para pagtakpan ang kaduwagan at pagtataksil sa bayan.
Parang di nating alam kung sino ang mga kikita dito.
Hindi maaring gawing dahilan ang bakuna para sa pagiging tameme sa usaping soberanya – dahil si Duterte mismo ang naging pinakamalaking hadlang sa pag-angkat ng pinaka-maraming klase ng bakuna laban sa COVID.
Habang nagtatago si Duterte, ngitngit at parang mga asong ulol ang mga alipores nyang umatake sa lahat na nakikibaka para maayos itong wasak na sistemang gobyerno.
Pinapatay at inaaresto ng walang pakundangan ang mga aktibista.
Nagtititili ang iba na di man lang marunong tumingin sa kasari-an nang taong tinatarget nya ng kasinungalingan.
Ganyan ang magiting – mahaba ang rekord sa pagiging tsismosang eng-eng, kaya kahit kaalyado nila naiimbyerna.
Pati lugaw pinatos nila, tapos iiyak iyak pag pinaharap sa salamin ng katangahan.
Siempre, favorite target din si VP Leni Robredo.
Lahat ng gimik at tumbling gagawin para siraan ang tunay naman na magaling na pagsaklolo nya sa mga naghihikahos.
Kailangan siraan kasi kapag nakita ng taumbayan ang ehemplo ng matiyaga at maayos na pamamahala, lalong mapupunit ang maskara nila at makikita ang pag-agnas ng pamunuang Duterte.
Pwede pala mag mass testing sa mga komunidad kung saan talamak ang COVID.
Hindi pala pasaway ang masa kung mabigyan lang ng tamang ayuda sa panahong kailangang mag-isolate.
Kapag mapagkakatiwalaan pala ang isang lider ay babaha ang volunteers.
Ang Bayanihan ay hindi ang mangutang para maibigay sa malalaking korporasyon. (kung saan ang bosing ay kaibigan ni Bosing o di kaya sugo ng higanteng Bosing na banyaga).
Ang totoong Bayanihan at kagitingan ay pag bigay lunas sa sadyang pagkukulang ng gobyeno – habang walang humpay na nanawagan sa pagbabago.
Ang kagitingan ay ang manindigan sa harap ng atake ng rehimeng desperadong maitago ang kanyang kabulukan at kataksilan.
Ang tawag sa lider na nagtatago sa tuwing nabibisto ay duwag.
Abusado sa sambayanan. Parang tupa sa among banyaga.
In short, taksil.
Kung wala sa kalingkingan mo ang maging magiting para sa bayan, aba’y bumaba ka na sa pwesto.