Naging ‘tambay’ din ako
Sa palipat-lipat ko dati ng tirahan, napadpad sa mga congested na lugar.
Isa dito, on temporary basis, ay isang one-room house ng manggagawa ng Purefoods sa Marikina.
Sa maliit na kwarto na walang bintana, kasama kong matulog sa sahig ang ginang ng tahanan at ang anak nyang babae. Isang banig sa tatlong tao.
Sa sala at kainan, kung saan may isang maliit na bintana – di pa yata isang yarda ang lapad – natutulog ang mister ng bahay at ang isang kaibigang lalake.
Itatabi lang ang hapag kainan, ilalagay ang kahoy na stools sa taas, lilinisan ang sahig, tapos dun matutulog.
Yung bintana nakaharap sa dingding ng kapitbahay.
Pang syam na bahay sa isang iskinita ang tinirhan ko. Dingding din ng kapitbahay ang kaharap ng pintuan.
Walang hangin na pumapasok. Hindi kaya ng nagiisang electric fan ang init.
Kaya tuwing tanghali, hanggang gabi bago pumila sa banyo at matulog, halos buong komunidad nasa kalye.
Nag-uusap, naglalaro ang mga bata. May nagsusursi ng damit. May nagbabaraha. May naghahanapan ng kuto sa buhok.
Minsan, oo, may nag iinuman.
Sa dalawang buwan ko doon, wala namang nagwala sa kalasingan. Naka bantay ang mga nanay o nakikialalay ang mga mas disiplinado na mga lalake.
Ang tumambay ay di nila nais.
Pero sabi nga ni Choco, ang anak, kung walang kalye, malamang nabaliw na silang mag-pamilya.
Alam kong maswerte ako. Nakatira ako sa kanila dahil may ginagawang istorya. Nakakauwi every two weeks sa mas komportableng bahay.
The street was a community safety valve. Doon, nakitambay din ako, nagtuturo sa mga bata na magbasa, katulong sa assignment nila. Praktisan ako ng English nila; minsan tinatawanan nila ang Tagalog ko kasi daming halong salitang Ilonggo.
Doon ko nakilala ang iba pang manggagawa, mga tsuper ng jeep, mga nanay, mga estudyante, mga out of school na kabataan, yung umiikot na nagbebenta ng kakanin.
Two years ago, nadalaw ako. Patay na si mister, naglalabada si Ate Choleng. Ayaw iwan ang bahay kahit na niyaya ni Choco na tumira sa bahay nya sa Quezon City.
Naiisip ko, kamusta na kaya sila ngayon?